Featured Posts

Atok, Benguet Escapade (and Team Lakay Gym Side Trip)
Our Second Visit in Baguio City 2020
La Union 2020 Comeback Story
Swiss Inspired Staycation at Crosswinds Tagaytay
My South Cebu Experience 2019

Saturday, October 15, 2016

September - VI

Lutang ang utak ko sa antok pagkagising kinabukasan. Napuyat ako kakaisip at namugto ang mga mata ko kakaiyak. Nagising na lang ako sa text ni Neil.

Neil: “Masakit para sa’kin ang nangyari kagabi, pero hindi pa rin ako susuko hanggang sa ma-realize mo na ako ang karapat dapat para sa’yo. Susunduin ulit kita mamaya.”

Masyado nang desperate si Neil, kaya parang naiisip ko na umiwas na lang ulit sa kanya. Hindi na bale ang plano kong gumanti sa kanya, kasi ayoko ng ganitong pakiramdam na parang imbes na siya ang dapat mahulog sa bitag ko, eh ako yung nahuhulog ulit sa kanya. Oo, may chance na magbago ang isip ko. May chance na balikan ko siya. Sabi ko noon gagamitin ko lang ang mga efforts niya, pero ngayon parang naa-appreciate ko na ang lahat ng mga iyon. Dati iniisip ko lang na kaya niya ginagawa iyon para lang lokohin ulit ako, pero ngayon parang nagkakaroon na ng halaga para sa akin lahat ng ginagawa niya. Parang gusto ko nang kumawala ng tuluyan sa pangit na nakaraan ko kay Neil dahil ngayon may chance na mahalin ko ulit siya. Pero ayaw ko pa rin aminin sa aking sarili dahil may parte pa rin sa puso’t isipan ko na nagsasabing ayaw ko na, na dapat ay tigilan ko na ang kalokohang ito. Ang pakay ko lang naman talaga ay gumanti, pero mukhang bibigay na ako. Iiwas na lang ako. Ayoko nang madagdagan ang sakit na nararamdaman ko, at ayoko nang makapanakit ng ibang tao.

Me: “Next time na lang, Neil. May ibang susundo sa akin.”
Neil: “Sino? Siya ba?”

Hindi ko na siya ni-reply-an. Alam kong si Baron ang iniisip niya na susundo sa akin, pero ang totoo ay wala naman. Uuwi lang ako mag-isa. Pagkalipas ng ilang minuto ay nagtext ulit siya.

Neil: “Sige, ingat kayong dalawa sa byahe.”

Umuwi nga ako ng mag-isa. Nami-miss ko agad si Neil. Pero ayaw ko pa rin aminin sa sarili ko iyon.

Kinabukasan, nagtext ulit siya at sinabing susunduin niya ulit ako after work. Pinayagan ko naman siya. 5pm kami nagkita doon ulit sa waiting shed sa labas ng work ko. Nakangiti siyang bumati sa akin, pero may kakaiba akong napapansin sa kanya nung mga oras na iyon. Parang ang tamlay niya, kahit nakangiti.

Me: “May sakit ka ba? Ang tamlay mo ah…”
Neil: “Hmm… wala ah. OK lang ako.”
Me: “Nga pala, pwedeng daan muna tayo sandali sa SM? Magre-refill ako sa Aficionado ng pabango ko, ubos na eh.”
Neil: “Sure. Tara.”

Ang tahimik niya habang nasa byahe kami. Nawala yung kadaldalan niya. Hindi naman siya ganoon noong mga nakaraang magkasama kami. Nag-withdraw muna ako pagkarating sa mall. Biglang lumabas ang kulit niya nang matagalan ako sa ATM dahil ilang beses na niluluwa yung card ko.

Neil: “Ahem. May isang bata po dito, hindi marunong gumamit ng ATM. Hahaha!”

Kunwari nagtampo ako. Iniwan ko siya, naglakad ako ng mabilis, tapos tumakbo siya papalapit sa akin at inakbayan ako.

Neil: “Eto namang si Karina, hindi na mabiro.”
Me: “Leche!”

Bumalik ang kulitan namin. Sinamantala namin ang mga oras na magkasama kami. Para kaming couple kung mag holding hands. Nagyaya siya kumain, pero tumanggi ako dahil gusto ko sa bahay kumain. Papunta na kami sa store ng Aficionado nang mag suggest siya na dumaan muna sa Bench. May katropa daw kasi siya doon, at gusto daw niyang makamusta muna. Sa loob, nag ikot ikot lang ako habang nag uusap na sila ng tropa niya. Mayamaya ay bumalik siya sa akin at hinila ako sa section ng mga pabango.

Neil: “Eto, Karina… Try mo ito. Maalin dyan, lahat yan, pare-parehong mabango.”
Me: “Aficionado ang gusto ko dahil iyon ang gusto ni Baron para sa akin.”

Parang napalakas yata ang boses ko nung time na yun, at mukhang hindi lang si Neil ang napahiya ko kundi pati na rin ang sarili ko. Pero poise pa rin si Neil.

Neil: “Hmm… OK.”

Dumiretso na kami sa Aficionado. Pagkabili ay nagyaya na ako agad na umuwi. Hindi ko na maintindihan ang nararamdaman ko nung mga oras na iyon. Biglang nawala yung kulitan namin. Pareho na kaming tahimik.

Me: “Ang tamlay mo ah. OK ka lang ba talaga? Kanina ko pa napapansin yan eh.”

Tumango lang siya. Hindi na rin niya hawak ang kamay ko. And all of a sudden, bigla na lang siya nag toss ng coin.

Me: “Para saan naman iyon?”
Neil: “Basta.”

Biglang nag-ring ang cellphone ko bago pa kami nakalabas ng mall. It’s Baron. Napatingin na lang ako kay Neil, at tumango na lang siya, na parang sinasabing “sige sagutin mo na.”

Baron: “Kamusta? I miss you.”
Me: “I miss you, too. Wala ka nang klase?”
Baron: “Oo. Maaga rin ako lumabas ng school para mag-load. Pasensya na ha, natagalan bago ako nakapag load. Sobrang busy lang talaga. Alam mo na, nag a-adjust pa sa new work ko. Tara magkita sa Sabado? Uuwi ako. Intrams kasi dito next week, hindi masyado magiging busy kaming teachers.”
Me: “Uh… sige ba. Pag usapan natin yan pag uwi ko. Nasa SM kasi ako, nagpa-refill ng pabango. Pauwi na din naman ako. Text na lang kita.”
Baron: “Sino kasama mo?”
Me: “Wala, ako lang mag-isa.”
Baron: “Oh sige sige… Ingat ka pauwi ha. I love you.”
Me: “I love you.”

Lumingon ako kay Neil pagkatapos ng tawag. Lumapit siya sa akin at inakbayan ako.

Neil: “Tara na, hatid na kita.”

Sa parking lot, kinulit ko ulit siya. Ramdam ko kasing hindi siya OK. Napa-buntong hininga muna siya bago nakapag salita.

Neil: “Siguro, ito na ang huling pagkikita natin. Yung toss coin kanina? Ginawa ko iyon kasi nahihirapan na ako mag-decide para sa sarili ko. Kaya humingi na lang ako ng tulong sa piso. Gusto pa sana kita makasama, pero mag let go na daw ako sabi ng piso. At na-realize ko na lang din na kahit anong gawin ko, talo pa rin ako kay Baron. Wala eh… Hindi mo kasi pinapansin ang lahat ng mga ginagawa ko para sa’yo. Ewan ko ba kung manhid ka o hindi mo lang talaga inaalam na mahal talaga kita. Pero OK lang… Hindi ako manunumbat.”

Umiiyak na naman si Neil sa harapan ko. Nakatayo lang ako na parang tuod, hindi alam kung ano ang dapat kong gawin o maramdaman. Parang gusto kong matuwa dahil sa wakas I’m free from Neil, but at the same time, nalulungkot kasi feeling ko guilty ako na hindi ko siya binigyan ng chance.

Neil: “Honestly, nalungkot ako kahapon kasi si Baron ang naghatid sa’yo pauwi at hindi ako. Gulat nga ako eh, parang biglang nag iba ang ihip ng hangin. Ano kaya ang nakain nun at biglang nag effort din sa’yo? But good for you, hindi ka na malulungkot. I hope na ipagpatuloy ni Baron na mapasaya ka niya lagi. Ako naman, heto… Focus lang sa work at sa studies. At kung hindi ka na talaga babalik sa buhay ko? Di bale nang tumandang binata, dahil alam ng Diyos kung sino talaga ang sigaw ng puso ko. Pero kung may pagkakataon pa at biglang magbago ang isip mo, alam mo na naman kung saan ako pupuntahan. May babalikan ka pa.”

Gusto kong magpasalamat sa kanya dahil sa wakas ay pinapalaya na niya ako, pero nanatili na lang akong tahimik, dahil hindi rin ako sigurado sa nararamdaman ko noong mga oras na iyon. Nagyaya na siyang umuwi, at sa huling pagkakataon, maingat na isinuot niya sa akin ang helmet at inalalayang makasakay ng motor. Hindi ko na ulit alam kung paano hahawak sa kanya para ma-balance ang sarili ko. Kumapit na lang ako sa parteng matigas sa may tagiliran ng motor.

Pagkababa ay muling nagba-bye si Neil. Binilinan niya akong mag ingat lagi para hindi magkasakit o mapahamak. Binilinan ko naman siya na mag-ingat sa byahe pauwi.

Nahiga na ako agad sa kama pagkapasok ko ng kwarto ko. Para nang gustong sumabog ang dibdib at utak ko kakaisip. Kinuha ko ang cellphone at headset ko para mag soundtrip. Umiiyak na ako nang mag-play na sa kantang September by Daughtry ang soundtrip ko, pero hindi ko alam kung bakit ako umiiyak. Dahil ba gusto ko magsisi dahil hindi ko siya nabigyan ng chance o dahil hindi na ako makakagala sakay ng motor niya?

Kinabukasan ay may na-receive akong text galing kay Neil.

Neil: “Alam mo ba kung bakit sumasama ka pa rin sa akin? Kasi hindi mo maamin na may puwang pa rin ako sa puso mo. But don’t worry, hindi na ako mang aabala pa. Natauhan na ako. Sana maging masaya ka sa desisyon mo.”

Hindi ko na siya ni-reply-an pa.

Two months na rin ang nakakalipas mula noong huli kaming nagkita. Marami na agad ang nagbago, at masaya na ako ngayon with Baron dahil madalas na ulit ang pagsasama namin. Lalo kong minahal si Baron ngayon, at wala na ni gatiting na hangover galing sa pagsama ko dati kay Neil. Wala na ring Neil na nangungulit sa akin.

Matagal nang tapos ang sa amin ni Neil. Neil is not the right man for me, and there’s no right time for us.



missed the first part of the story?
start reading
here.

Sunday, October 9, 2016

September - V

“May dala naman akong kapote kaya hindi naman ako ganoong nabasa sa byahe,” sabi ni Neil sa akin. Magka-text kami ngayon. Nasa work ako, samantalang nasa klase siya nung mga oras na iyon. Kumuha kasi siya ng isang bachelor's degree course sa isang university sa Manila. Naiisip ko tuloy na buti pa si Neil, nagagawa pa rin niyang kamustahin ako kahit na nagiging busy siya. Laging may text tuwing umaga. At ito ngang mga nagdaang araw, kahit na sobrang malayo ang inuuwian niya, bumibyahe pa rin siya maihatid lang ako sa bahay. Samantalang si Baron, wala man lang text. Kahit sa Facebook, pag naka-online siya hindi siya magme-message sa akin kung hindi ako yung unang magme-message sa kanya. Para bang titigan muna kami, pakiramdaman kung sino ang unang kikibo sa aming dalawa… Hay. Ewan ko ba. Mas mahal na niya yata ang trabaho niya. Masakit, at naiinis akong isipin na dahil lang sa nasa long distance relationship kami, hindi siya makapagpakita ng effort sa akin. Balewala na ang mga salitang "mahal kita" at "miss na kita". Naghihintay na lang ako at umaasa araw-araw, at umiiyak gabi-gabi. Mahal pa ba niya ako? Mauulit na naman ba yung mga panahong nag iisa lang ako dahil iniwan ako ng taong mahal ko? Lahat naman sila sa umpisa lang talaga nag e-effort. Pero si Neil? Ewan ko. Matagal nang panahon ang lumipas, at dapat kinalimutan na niya ako, pero heto… Lapit pa rin ng lapit sa akin. Nag e-effort, dahil “ang tunay na nagmamahal, nag e-effort.” But honestly, wala talaga ako maramdaman. Hindi na nga ba talaga magbubukas muli ang puso ko para kay Neil?

“Take me somewhere, nai-stress ako,” sabi ko kay Neil. Pumayag siya at susunduin daw niya ulit ako mamaya paglabas ko sa trabaho para ipasyal kung saan ko gusto. Wala akong pakialam kahit gaano pa kalayo ang panggagalingan niya. Gusto ko pumunta siya. Makipagkita sa akin at samahan ako. Gusto ko ng kasama at ng kausap.

5pm kami nagkita ni Neil. Akalain mong nagterno yung kulay ng suot namin? Pareho kami naka-navy blue. Nagkukulitan kami habang nasa byahe. Para kaming couple. Pero hindi pa rin nawawala si Baron sa isip ko. Pinipilit ko na lang na maging ok ang mga sandaling iyon na kasama si Neil. Sinabi ko kay Neil na magpa-Tagaytay kami, at nag request ako na dumaan muna sa paborito kong Korean grocery para bumili ng kakainin namin for dinner. Feel kong kumain ng spicy ramyun at beer. Ako lang ang magbi-beer, kase hindi naman nag-iinom si Neil. Ang problema eh ang ramyun na nabili namin ay kailangang maluto sa hot water. So ang ginawa namin, naghanap kami ng convenience store sa Tagaytay at doon namin kinain ang mga nabili namin. Bumili din siya ng tinapay para sa aming dalawa. Huwag daw ako mag noodles lang, kailangang magpataba daw ako. Inaalagaan niya talaga ako. Nagkulitan ulit kami habang kumakain. Nag unahan kami maubos yung ramyun, at natalo niya ako. Tawa lang siya ng tawa. Ang saya niya. Gusto pa nga niyang mag selfie kami, pero hindi ako pumayag. Siyempre, alam niyo na… Baka ipang-block mail niya sa akin. Ginawa na niya sa akin iyon dati kaya nakipag break ako sa kanya. Hindi ko na dadagdagan pa ang istoryang iyon.

Lumabas siya sandali para kunin ang jacket niyang naiwan sa motor. Habang hinihintay siya, nagba-browse ako ng mga pics namin ni Baron sa gallery ng cellphone ko. Nami-miss ko na talaga siya, sobra. Sana siya ang kasama ko nung mga sandaling iyon. Mayamaya ay hindi ko napansing tinitignan pala ako ni Neil mula sa likod. Tinitignan niya ako habang tinitignan ko ang mga pics namin ni Baron. Lumapit siya sa akin na may seryosong mukha, kinuha ang cellphone ko, bumalik sa upuan niya at humarap sa akin.

Neil: “Alam kong may problema kayo. Tell me.”

Hindi ko in-expect na magtatanong siya sa akin ng ganoon kase alam ko namang hindi OK sa kanya na naririnig ang pangalan ni Baron sa tuwing magkasama kami. But since sabi ko nga, kailangan ko ng kausap para may mapagsabihan ng sama ng loob, nag-open up ako kay Neil, baka sakaling makatulong. Inamin kong nahihirapan na akong mag handle ng relasyon namin ni Baron dahil sa long distance relationship ito. Sinabi ko lahat, mula sa bihira niyang pakikipag-communicate sa akin, pati yung nararamdaman kong parang hindi na ako kasama sa mga priorities niya. Umiiyak na ako ng mga oras na iyon. Seryosong nakikinig sa akin si Neil. Niyaya niya akong lumabas para mapag usapan pa ang problema ko para hindi ganon nakakahiya kasi nasa convenience store lang kami. Doon kami nagpunta sa labas ng Skyranch, sa likod ng Tagaytay International Convention Center. Naupo lang kami sa isang tabi sa gilid ng kalsada kung saan makakapagsolo kami. Humihikbi pa rin ako. Lumipat ng pwesto si Neil at sa harapan ko umupo.

Neil: “Napapagod ka na ba?”
Me: “Oo, pero mahal na mahal ko si Baron, kaya OK lang…”

Biglang nagtaas ng boses si Neil sa akin.

Neil: “My God, Karina! Huwag namang tanga, please lang. Alam kong alam mo ang dapat gawin!”

Tama nga naman siya, pero sa loob ko, ayaw ko pa rin sumuko.

Neil: “Karina, wala nang long distance relationship pag minahal mo ulit ako. Babawi ako at itatama lahat ng pagkakamali ko. Kaya sana naman, pansinin mo mga efforts ko. Mahal na mahal kita, sa’yo lang ako nagkaganito.”

Umiiyak na siya sa harapan ko. Lumuhod siya sa harapan ko at nagmamakaawa. Parang gusto kong maawa sa kanya, pero wala akong magawa dahil hindi ko maitatanggi ang talagang laman ng puso ko. Lalo lang din akong naiyak dahil nasasaktan din naman ako dahil hindi ko siya mapagbigyan. Kusa din siyang bumangon makalipas ng ilang segundo.

Neil: “Pero hindi ko naman kayang kontrolin ang damdamin mo eh. Bigyan man kita ng time makapag isip, wala rin ako magagawa sa magiging desisyon mo kasi alam kong siya pa rin ang pipiliin mo. Talo pa rin ako, kahit alam kong kaya kong higitan siya. Tanga nga ako eh, kasi umaasa pa rin ako sa’yo. Kaya kung sinasabi mong tanga ka, mas tanga ako sa’yo.”

Pinunasan niya ang luha ko, at inayos ang aking buhok. Nagyaya na akong umuwi dahil pagod na akong mag isip ng kung anu ano.




continue reading...

September - VI

Friday, October 7, 2016

September – IV

“See you tomorrow.”

Yan ang text ni Neil sa akin pagkatapos niya akong ihatid sa bahay galing sa Skyranch. Susunduin niya daw ulit ako bukas sa work, at ihahatid sa bahay. Tumanggi ako kasi kahit papaano nahihiya rin ako sa kanya. Mahaba ang oras ng binibyahe niya papunta sa work ko at pauwi.

Neil: “Ano ka ba? OK lang sa akin iyon. Kasi ang tunay na nagmamahal, nag e-effort.”

Mukhang hindi nadala ang loko sa mga pinagsasasabi ko sa kanya. Kung minsan nakakainis na yung kulit niya. Kase tinataboy ko na nga siya eh, pero pinagpapatuloy pa rin niya yung mga efforts kuno niya sa akin. And honestly, hindi ko nakikita na sincere siya sa mga ginagawa niya sa akin. Kahit na sino naman kase kayang gawin yung ginagawa niya, makuha lang ang gusto, di’ba? At hindi ko pa rin kasi nakakalimutan yung mga pangloloko niya sa akin noon. Nambabae siya at pinerahan pa niya ako. Sinamantala niya yung long distance relationship namin noon. Hindi siya naging fair dahil ako naging loyal sa kanya, samantalang siya, hindi. Pero oo, alam kong matagal na iyon. Dapat na akong magparaya sa nakaraan at kalimutan na ang mga iyon. Pero mahirap para sa akin eh… Kasi doon ko siya nakilala. Sa tuwing naaalala at nakikita ko siya, isang salita ang laging pumapasok sa isip ko – manloloko. Marami na akong binigay na chance sa kanya noon, pero lahat ng iyon sinayang lang niya. Kaya hindi niya dapat ako sisihin kung bakit ganito katigas ang puso ko sa kanya.

Pero naisip ko bigla, bakit hindi ko subukang gumanti sa mga pangloloko niya sa akin noon? Tama! Baka ito na yung chance ko para ibigay ang karma niya. If this time talagang seryoso na siya sa akin, ako naman ang makikipaglaro ngayon, nang maramdaman naman niya kung gaano kasakit yung ginawa niya sa akin noon.

Nagkita ulit kami kinabukasan after work, and he just did the same thing – siya ang nagsuot ng helmet para sa akin at inalalayan akong makasakay ng motor. But this time, kumapit na ako sa likod niya. Kapit lang, hindi yakap. Sa byahe parang close na close kami. Nagkamustahan kami. Ikinuwento daw niya sa officemates niya ang muli naming pagkikita. May ilan daw na nagalit dahil may boyfriend naman daw ako, pero nakikipagkita pa rin ako sa kanya. Pinaglalaruan ko lang daw siya. Sa isip ko edi wow. Hindi naman nila alam kung naging sino si Neil sa akin noon. Tumawa na lang ako. Pero sabi pa niya, pinagtanggol niya ako sa mga iyon dahil hindi naman nila alam ang totoong story. Alam ko ang nasa isip ni Neil. Sinasabi niyang nahihirapan at nalulungkot ako dahil malayo sa akin si Baron. Totoo iyon, and actually, aminado akong ginagawa kong past time ngayon si Neil. Iniisip ko na sana nagagawa din ni Baron yung mga ginagawa sa akin ni Neil ngayon. Si Neil ang nakakasama ko ngayon, pero kahit na naging malamig si Baron sa akin, siya pa rin ang mahal ko. At sa tuwing minamaliit ni Neil si Baron, pinagtatanggol ko pa rin siya at siya pa rin ang lagi kong bukambibig at binibida sa kanya. Si Baron pa rin ang pipiliin ko dahil siya ang mahal ko. Hindi na babalik ang pagmamahal ko kay Neil. Hinding hindi na.

Dumaan muna kami sa palengke para bumili ng prutas. Ibibili daw niya ako. Dapat daw ako kumain ng prutas para hindi maging lapitin ng sakit. Sobrang payat ko daw, at baka nagpapabaya ako sa sarili ko.

Me: “Ayoko lang tumaba.”
Neil: “Mataba? Eto ang mataba (himas sa tiyan) ako mataba, ikaw hindi.”

Dumaan din kami sa isang drugstore para bumili ng vitamins. Ibibili daw niya ako. Gusto kong matawa nung mga oras na iyon kase feeling ko nahuhulog na siya sa bitag ko. Sige lang Neil, kaunti pa. Ginusto mo ito, di’ba?

Bago kami tuluyang dumiretso sa bahay, dumaan muna kami sa isang store para bumili ng mga pasalubong para sa mga workmates niya. Magkahawak ang kamay namin habang naglalakad. Hindi ko na iniisip na may makakita sa akin at may makapag sumbong kay Baron.

Me: “Kalamay lang naman ang bibilihin mo. Kay daming bilihan ng kalamay, papadpad ka pa dito sa lugar namin?”
Neil: “Eh dito kasi sikat. Saka para kahit man lang mabusinahan kita pag napapadaan ako sa bahay niyo.”

Ang layo talaga ng nararating ng motor nito ah. Ilang babae na kaya ang naisakay niya dito?

Mag a-alas otso na. Nagyaya siyang kumain muna bago umuwi, pero tumanggi ako dahil pagod na ako ng mga oras na iyon at may pasok pa kinabukasan.

Me: “At saka malayo pa ang byahe mo pabalik. Mag aalala lang ako."

Oo, sinabi kong mag aalala ako. Kunwari lang para tuluy-tuloy lang ang pagkakahulog niya sa bitag ko. Hindi na siya tumanggi at inihatid na ako sa amin.

Inalalayan niya ako pagbaba at siya na rin ang nagtanggal ng helmet na suot ko. Bubuksan ko na sana ang gate namin nang bigla niya akong hinila paharap sa kanya at niyakap nang mahigpit, pagkatapos ay hinalikan sa noo. Nagulat ako at natulala. Parang may biglang kumiliti sa puso ko. Nagbukas ang ilaw namin sa labas. Lumabas ang mom ko sa pintuan at nakita niya kami. Magiliw na bumati ng magandang gabi si Neil kay mom, at nagpaalam na rin na aalis na. Sinabi rin niya kay mom na sadya niya talaga na ihatid ako pauwi. Nagpapalakas kay mom, huh? Pero ngumiti na lang ako imbes na ipakitang naiinis ako. Ako pa kasi ang papagalitan ni mom pag ganon.

Kinausap ako ni mom sa loob ng kwarto ko. Nakita niya ang mga bitbit ko na galing kay Neil.

Mom: “Kailan pa kayo nagsimulang magkita ulit? At bakit ka umaangkas sa motor? Pag nalaman yan ng dad mo, nako…”

Tahimik lang ako habang nakikinig sa sermon niya.

Mom: “Nanliligaw ba si Neil sa’yo?”
Me: “Yata…”
Mom: “Tigilan mo yang kalokohan mo. May boyfriend ka na.”

Natulala na lang ako pagkatapos marinig ang mga salitang iyon. Nahiga na ako pagkatapos, at iniisip si Neil. Nakauwi na kaya siya? Biglang bumuhos ang ulan. Nag aalala sa kanya. Seryoso.



continue reading...


September – V

Monday, October 3, 2016

September – III

Ilang araw din bago ako napilitang i-text ang number na binigay sa akin ni Neil para magpakilala. For the past few days parang ilang pa akong makipag communicate sa kanya. Laging puro tungkol sa CSE updates lang ang lagi kong tanong. Hanggang sa parang magkaibigan na kung mag-text kami sa isa’t isa. Gumagaan kahit papaano ang loob ko habang kausap siya, pero andun pa rin ang limitasyon. I’m still Baron’s girlfriend, and I know what kind of man Neil is. Pero hindi maitatanggi na nag-uumpisa na akong maglihim kay Baron, at makipag flirt kay Neil. Flirt, kasi hindi naman ako sigurado sa nararamdaman ko towards him. I still hate him, but I can't tell why I started communicating with him again. Pero wala ako magawa. I miss this feeling na may nagke-care sa akin. See? Si Neil ang nakaka-text ko ngayon dahil hindi nagte-text si Baron. Kailangan bang lagi ako yung mauunang mangamusta sa kanya para lang may maumpisahang pag uusap? Ngayon, iniintay ko na lang siyang maunang tumawag o mag-text. Mag effort naman siya kung may halaga pa ako sa kanya.

Isang hapon, nag-text sa akin si Neil kung nasaan daw ako. May dadaanan daw kasi siyang bilihan ng pasalubong malapit sa work ko. Gusto daw niya ako makita at maihatid na rin sa bahay ko. Nagdalawang isip muna ako, kasi baka hindi naman niya ako siputin. I can't trust him that easily. May masabi lang na nag e-effort siya. Pero um-oo rin ako sa huli. 6pm ang usapan namin na magkita sa waiting shed sa labas ng pinapasukan ko. Hintayin ko daw siya at sure na darating siya no matter what.

6pm nasa waiting shed na ako. Hindi na ako maka-text kay Neil dahil expired na pala ang load ko. Hindi ko na rin sinubukang magpa-load dahil ayoko namang mag-effort maka-text lang si Neil. Eh ano ngayon kung hindi siya sumipot? Edi uuwi na ako like wala lang. Lalo lang ako magagalit sa kanya. Sabi ko nga, I hate him. Pero sige, hihintayin ko pa rin siya. Panay text niya sa akin kung nasaan na daw ako dahil papunta na siya. 15 minutes later, nag-text ulit siya. Sabi niya sa akin aalis na daw siya kung hindi niya ako makikita sa waiting shed. 15 minutes na ako nakatayo sa waiting shed pero wala pa rin ako nakikitang Neil. Nagsisimula na akong mainis, and at the same time, gusto kong umiyak dahil sa isa na namang pagkakataon niloko at pinaasa na naman ako ni Neil. Ang tagal ko nang naghihintay. Pero bakit ko nga ba siya hinihintay? At bakit ako maiiyak? Sino ba siya? Nakakatanga, di’ba?

Mayamaya, biglang may kumalabit sa braso ko. It’s Neil! At nakangiti pa siya, eh ang tagal niya akong pinaghintay. Maluhaluha na ako, pero nagtatawa lang siya. Nag-sorry naman siya dahil natagalan siya. Inuna na daw niyang dumaan sa store na sinasabi niya para derederetso na niya ako makasama. Gusto niya daw akong dalhin sa Skyranch para bumawi. Para akong bata na nauto niya nung mga oras na yon. Bwisit siya. Pinaghintay niya ako. Pero oo, sumipot pa rin siya. Nagpakita siya. Nagkita kami.

Pinahawak niya sa akin ang helmet na gagamitin ko habang sinusuot niya ang sa kanya. Sinisimulan ko nang suutin yung sa akin pero pinigilan niya ako at sinabing siya ang magsusuot non para sa akin. Pero tumanggi ako at sinabi kong ako na. Pero lumapit siya. Lumapit ng sobrang lapit sa mukha ko, nakangiti.

Neil: “Ako na.”

Natulala ako na ewan. Tinablan na naman ako ng charm niya. Kinuha niya ang helmet na hawak ko at sinimulan nang iayos iyon sa ulo ko nang may ingat. Pagkatapos ay inalalayan niya akong makasakay sa motor niya. Hindi ko alam kung paanong kapit nag gagawin ko para mag-balance. Kumapit na lang ako sa parteng matigas sa may tagiliran ng motor. Mayamaya, huminto siya sandali para magbukas ng sound system. Sound trip daw kami habang nasa byahe. Una niyang ni-play ang kantang Together by Ne-Yo, ang love song namin noong kami pa. Nainis ako. Gusto ko siyang batukan ng mga oras na iyon. Pero in-enjoy ko na lang ang sound trip.

7pm na nang makarating kami ng Skyranch. Naglakad-lakad muna kami sa loob para ma-enjoy ang simoy ng hangin at para makapag isip na rin kung anong ride ang sasakyan namin. Nagyaya rin siyang mag dinner, pero tumanggi ako. Sabi ko doon na ako sa bahay maghahapunan dahil nagluto ang dad ko para sa akin. Nag suggest siya na sa ferris wheel sumakay, pero tumanggi ako. Delikado. Masosolo niya ako sa loob pag nagkataon. Sabi ko doon na lang kami sumakay sa Vikings. Kahit na sinabi niyang nahihilo siya sa ride na iyon, hindi pa rin siya tumanggi. Bumili siya ng ticket. Parang gusto ko ma-excite nung mga oras na yon. Iyon din ang unang ride na nasakyan ko  sa Skyranch kasama si Baron. Pero nung gabing iyon, kahit ang makangiti ay hindi ko magawa. Pero imbes na isipin siya nung mga oras na iyon, pinilit ko na lang na mag enjoy. Kaunti lamang ang mga nakasakay at solo namin ni Neil ang isang linya. Nasa dulo siya at umusod naman ako sa kabilang dulo para malayo ako sa kanya. Niloko ko pa siya na palakasan na lang kami ng loob. Ayoko tumabi sa kanya. Pero bago pa mag umpisang umandar yung sinasakyan naming, napausod ako sa tabi niya. Kinabahan ako bigla eh. Palakas na ng palakas ang duyan ng sinasakyan namin. Sigaw siya ng sigaw na parang nag e-enjoy sa ride. Samantalang ako, poker face. Tumitingin lang sa kawalan. Gusto kong sumigaw, isigaw ang pangalan ni Baron, pero hindi ko magawa. Hindi ko talaga ma-enjoy ang ride na iyon nang hindi si Baron ang kasama ko.

Natapos ang ride. Inalalayan niya ako sa pagbaba dahil baka nahihilo daw ako. Hawak niya ang kamay ko, at hanggang sa baba ay hindi niya binitawan ang kamay ko. Hinayaan ko lang siya.

Neil: “Ikaw yung namili ng ride, pero hindi mo naman yata in-enjoy.”

Wala ako sinagot kundi pilit na ngiti. Naghanap kami ng area kung saan pwede kami magpahinga sandali. Pagkaupo, sinabi ko na sa kanya ang lahat, na wala na talaga siyang pag-asa, na hindi na babalik ang pagtingin ko sa kanya. Itinataboy ko na siya. Sabi ko pa, yung mga efforts na ginagawa niya para sa akin ay ibaling na lang niya sa iba. Pero nagmatigas siya at inulit lang niya ang sinabi niya sa akin nung nakaraan, na magfo-focus na lang siya sa work hanggang sa dumating yung right time for us. Bigla siyang umiyak. Ikinwento niya na minsan sinubukan niyang magmahal ng iba, pero nabigo siya dahil ako pa rin daw talaga ang laman ng puso niya. Every year kinukumpleto daw niya ang simbang gabi, matupad lang ang hiling niya. Ang hirap paniwalaan ng mga iyon para sa akin. But to keep the drama that time (kunwari eksena sa telenovela) sinagot ko ulit siya ng seryoso.

Me: “Balang araw mare-realize mo din na may tamang babae talaga para sa’yo at hindi ako yun.”
Neil: “Ikaw lang ang hiling ko sa Panginoon, walang iba.”

Umiling lang ako, tumayo at nagyaya nang umuwi. Pagkatayo niya ay bahagya niya akong hinila paharap sa kanya at mahigpit na yumakap sa akin. Umiiyak pa rin siya. Nagpapasalamat siya dahil pinagbigyan ko siyang magkita kami. Gagawin daw niya ang lahat mapatunayan lang na nagsisisi na siya sa mga pagkakamaling nagawa niya sa akin. Pero hindi pa rin niya inaaming niloko niya ako noong kami pa. Umiling lang ako at inulit ko na lang ang sinabi kong may ibang babae dyan na para sa kanya at hindi ako iyon.

Sa paglabas ng Skyranch hawak pa rin niya ang kamay ko.

Neil: “Nagpapasalamat ako sa gabing ito kasi sa isa pang pagkakataon, nagkaroon ulit ako ng rason para sumaya.”



continue reading...


September – IV